Alden Richards admits he misses doing dramatic roles, which he had been doing pre-Aldub phenomenon. "Kung gaano po na miss ng mga tao yung pag-portray ko po ng drama roles, sobrang na miss ko rin po siya. Ang tagal ko rin po siyang hindi nagawa at nagpapasalamat din po ako sa GMA at sa Eat Bulaga! na binibigyan po nila ko ng chance na makagawa ng ganitong klase." Tampok si Alden Richards sa finale episode ng 5th anniversary celebration ng Magpakailanman.
Ipapalabas sa darating na Sabado ang "Kuwentong Marawi sa Mata ng Isang Sundalo" episode. Ito ay kuwento ng isang sundalo na lumaban sa katatapos lamang na digmaan sa bayan ng Marawi. "Ito po yung tungkol kay Sergeant Jomille Pavia," saad ni Alden. Hindi ito ang unang beses na gumanap si Alden bilang sundalo. Nauna na siyang napanood sa Wish Ko Lang, kung saan isinabuhay niya rin ang kuwento ng isang sundalo. "Very inspiring po kasi ang kuwento ng mga sundalo when it comes to anthology. "Yun nga po, I did one episode na po sa Wish Ko lang. "Ito po yung medyo major dahil Magpakailanman po. At sa awa naman po ng Diyos, buhay naman po ang case study natin. "Medyo inspiring din po ang buhay niya and I was able to learn a lot po during the time na nagsu-shoot kami regarding the experiences niya po during the war.” Noong November 20 nag-last taping day si Alden para sa Magpakailanman at mapapanood na ito sa Sabado, November 25. Nai-inspire rin daw si Alden sa kuwento ng mga Marawi soldiers at sa tapang na kanilang ipinakita sa panahon ng digmaan. “Naipanalo po nila ang laban natin sa Marawi. Napaka-timely po ng episode and at the same time, para maipakita rin po natin sa mga audience nating Kapuso kung ano rin po ang nangyari during the war sa Marawi. “So, ibang klase po. Mahirap po siyang gawin kasi, mahihirap po ang eksena.” MISSING DRAMATIC ROLES. Sa loob halos ng nakaraang tatlong taon, mas napapanood ang Pambansang Bae sa pagiging host. Nagiging popular rin siya bilang one-half ng Aldub love team kunsaan partner niya si Maine Mendoza. Mas naging madalang ang paggawa ni Alden ng mga seryosong drama kung saan una siyang nakilala bilang isang Kapuso. Ang huling primetime series niya ay ang Destined to be Yours nila ni Maine, pero sa ngayon ay mapapansin na kahit paano, nakakagawa siya ng ilang special drama roles. Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alden sa backstage ng Music Museum nang magkaroon ng GMA Artist Center Grand Fans' Day noong November 17. Sinabi naming nami-miss din siya ng mga tagahanga niya sa mga drama roles niya dati. “Na miss ko rin po,” nakangiting pahayag ni Alden. “Kung gaano po na miss ng mga tao yung pag-portray ko po ng drama roles, sobrang na miss ko rin po siya. Ang tagal ko rin po siyang hindi nagawa at nagpapasalamat din po ako sa GMA at sa Eat Bulaga! na binibigyan po nila ko ng chance na makagawa ng ganitong klase. “Ito pong huli, sa PMPC Star Awards, dun po sa episode na 'Magkapatid,' yun po ang mga role na importante po sa akin. Mabigat po siya at the same time, hindi po siya madaling gawin. “For Eat Bulaga! to give me this kind of projects, parang it’s an honor po. "Parang kahit matagal po akong nawawala sa primetime, sa soap opera, dito po sa mga projects na ito, medyo nakakabawi po ako ng konti.” Nami-miss ba niya talaga ang pag-arte sa drama roles? “Opo, sobra po,” nakangiting sabi niya. “Siyempre, doon po ako nagsimula, palagi ko pong sinasabi yan. At saka, parang ang sarap po na nabibigyan ko ng justice yung mga roles na naibibigay sa akin. “Kasi, ngayon po kasi, parang lumevel-up yung pagbibigay sa akin ng mga stories na gagawin.” ALDUB CONTINUES. Binigyang-linaw naman ni Alden na bilang isang Kapuso, masaya siya na nakakagawa siya at nakakapag-guest ngayon sa iba’t-ibang programa ng GMA-7, pero ang pagiging Aldub ay mananatili pa rin. Araw-araw pa rin silang napapanood ni Maine Mendoza sa Eat Bulaga!, bukod pa sa mga endorsements na magkasama nilang ginagawa. Sabi nga niya, “Nandiyan pa rin po, siyempre. “Hindi po nawawala ang Aldub. Nandiyan pa rin po siya. Doon po sa mga ginagawa kong projects, hindi naman po masyadong nagpu-focus on the love story. “It’s more on the character na pinu-portray ko po and when it comes to Aldub, nandiyan pa rin siya. Hindi po dapat mag-alala ang mga supporters namin ni Maine, nandiyan pa rin siya.” Yung pelikulang pagsasamahan nila ni Maine, tuloy pa rin ba? “Tuloy pa rin po ang movie. Wala pa lang pong exact date, pero meron po 'yan. Expect po nila. Kami po naman ni Maine, naghihintay lang.” BLESSINGS OVER BASHERS. Sa loob din ng tatlong taon, kakambal na yata ng tagumpay niya ang mga pangba-bash naman na natatanggap niya mula sa ibang fans. Paano nga ba niya naha-handle ang lahat ng ito? “Nasanay na po ako kasi, talagang hindi po natin maiiwasan na ungkatin ng mga negative people ang mga buhay po naming dalawa ni Maine. Pagdating naman po sa ganun, nasanay na rin po ako sa tagal. “Magta-tatlong taon na po akong bina-bash ng mga taong ito, pero kumpara sa isang basher, meron po akong sampung supporters na nagde-depensa sa akin. So, hindi na po ako naba-bother.” Ayon pa kay Alden, maging pamilya raw niya, idinadamay na rin sa mga pangba-bash sa kanya. “Ultimo personal life ko po, pamilya ko, tinitira po nila. So ako naman po, when it comes to that, hindi na lang po ako nagpapa-apekto kasi masisira po ang trabaho ko.” Dugtong pa niya, “Ako naman po, kaya naman po ako nandito sa showbiz para makapagbigay inspirasyon, mag-trabaho para sa pamilya ko at makagawa ng mga roles na exceptional.” Nababasa niya yung mga pangba-bash sa kanya? “Nababasa ko po, grabe,” natatawang sabi na lang niya. “Every day meron, parang halos sirain na lang ang buong pagkatao ko. Pero, nasa tao rin po yan kung paano nila ite-take.” Sabi naman namin kay Alden, may lumang kasabihan na ang binabato talaga, yung punong hitik sa bunga. Kumbaga, dahil sikat siya kaya siya ang palaging pinupukol? “Hindi naman po siguro,” natawang sagot niya. “Pero parang—being a public figure po, hindi lang din naman po artista ang nadadale ng cyberbullying. "Pati po mga politicians, ibang public figure. “So, parte na po 'yan ng pagiging public figure. Yung bashing po is part na po. Basta lumabas ka sa TV, automatic na po. Meron kang supporters, meron kang basher. Partner na po 'yan.” Sa huli, tinanong namin si Alden kung may nararamdaman ba siyang pressure pagdating naman sa mga tagahanga nila ni Maine na ang ine-expect talaga sa kanila, yung sila na ang magkatuluyan sa totoong buhay? “Wala naman pong pressure,” saad niya. “Napag-usapan nga po namin 'yan ni Maine and sa buhay po kasi, as mga tao, libre ka naman pong gawin. Gawin ang mga bagay na gusto mong gawin. “So kami po, ine-enjoy lang po namin. Masaya po kami ni Maine na gawin together.” May nabago na ba sa kanya sa kabila ng mga tagumpay na tinatamasa niya? “Wala po,” mabilis niyang sagot. “Sigurado naman po ako diyan. Sa mga taong kilala ko po, parang sila po ang dapat tanungin kung meron na pong nagbago sa akin even before Aldub po.” Excited naman si Alden dahil sa unang pagkakataon, magkaka-bonding silang buong pamilya sa Japan. Mula sa December 19 hanggang sa December 27 ay nasa Japan sila kaya doon na rin daw sila magdiriwang ng Pasko. PEP.ph
0 Comments
Leave a Reply. |
10 Recent Post
Archives
September 2019
Categories
All
|